Tuesday, July 12, 2016

LUMANG AKLAT

Huwag... Huwag mo naman sanang ipagkait sa akin
ang paminsan-minsa'y masambit ko sa hangin,
pangalan mong sadyang nakintal na sa gunita,
parang ugat ng punong napirmi na sa lupa.

Huwag sanang ituring na pagmamalabis
kung minsa'y buklatin, dahil di ko matiis,
alaala ng lumipas na ginuhit ko sa dahon
ng bawat lumang pahina ng ating kahapon.

Huwag sana 'kong sisihin kung di ko mapalaya,
damdamin kong inalay na sa iyo'y nagparaya,
parang bilanggong ibon pilitin mang makaalpas,
kandado ng kanyang hawla'y hinding-hindi makakalas.

Huwag sana 'kong pigilan kung ayaw kong bumangon,
kung mas pinili kong mabuhay sa kahapon,
pagkat ang alaala, di tulad ng pag-ibig mo,
laging nananatili, hindi nagbabago.