Saturday, July 13, 2019

Ang Kahon

Ang Kahon
nina Jonathan R. Bacolod at Joshua Catungal

Sa madilim na sulok ng alaala't kamalayan,
isang itim na kahon ang maingat na nakasilid;
itinali't pinalamutian ng lasong ginintuan,
sa labas ay tanging pangalan mo'ng nakatitik.

Sa loob ng kahon ay mga kupas na larawan,
ipinapaging-imortal mga alaalang nalipasan.
May nag-iisang boteng nagsisilbing kulungan,
ng mga luha, pag-ibig, ligaya't panghihinayang.

T'wing may nakaw na sandali, binubuksan ko ang kahon,
maluhang iniisa-isa mga larawang nakalumpon,
dagliang nagpapakalango sa alak ng emosyon,
isinisilid sa bote mga luhang naipon.

Isang araw, ang kahon ay pinasya kong sunugin,
sa pag-asang ito ang makapagpapalaya sa akin.
Nabasag ang bote, nag-abo ang mga larawan,
mapait-tamis na samyo'y sa langit pumailanglang.

Pagkatapos ng lahat, ako ay naluha,
alaala mo sa mga bagay na inabo
ay naroon pa.
Mahal, kahit durugin, sunugin ang kahon,
mayro'ng kirot sa pusong di kailanman mawawala at hahawiin.
Dahil kahit makaisang libo ko mang isipin,
hindi ko maamin na ika'y wala na sa piling
at kailanma'y di na magiging akin.

No comments:

Post a Comment