Wednesday, May 22, 2013

Pagkatapos ng Sigwa

Hinawi na ng ulan ang nagpupumiglas na luha,
pumatak, umagos, nilunod ng baha.
Katulad din ng aking kinimkim na paghanga,
akin nang isinuko, sa dibdib pinakawala.
 
 
Sa aking pagtitig sa pisngi ng langit,
alam kong dama niya ang lihim kong pagtangis;
sapagkat sa pisngi ko'y luha niya ang gumuguhit,
habang puso ko naman ay sumasabog, napupunit.
 
 
Sa mapait kong pag-iisa, ulan ang karamay ko
gayong ang hangad ko'y mahigpit na yakap mo.
Sana sa pagtila at pag-alis nitong bagyo
isama niya ang pighating sa puso ko'y bumabayo.
 
 
Malamig ang hanging sa katawan ko'y bumabalot,
gaya ng damdamin mong pagkagupo ang dinulot;
o marahil ako'y duwag, inunahan lang ng takot,
kaya itong damdamin ko'y sinikil ko na't pinatulog.
 
 
Lumakas pa ang ulan, di pa handang umalis
tulad din ng puso mong di pa handang umibig;
patuloy ang pagbuhos, pagbagsak, at pagdilig
habang 'tong damdamin ko'y pinaubaya na sa tubig.
 
 
Hinawi na ng ulan ang nagpupumiglas na luha,
kasabay ng damdamin kong akin nang pinakawala;
kung ito'y magbalik man at muli tayong magkita,
sana ako'y matapang na at pareho na tayong handa.

4 comments: