Wednesday, May 22, 2013

Sa Puti Mong Hiyas

Ako'y nagitla sa pagbati mo sa 'kin
 
at ang loob ko'y natigib ng hinayang.
 
Dati, alok mo'y malawak na buhangin,
 
ngayon ay damo ang sa 'ki'y nakaabang.
 
 
 
Damong kinukubli dalisay mong ganda,
 
ngayo'y nagpapalamuti sa 'yong pangpang.
 
Malawak mong disyerto ay inagos na,
 
sabay lumipas ng aking kabataan.
 
 
 
Habang binabaybay daang lubhang kipot
 
tungo sa gilid ng tubig mong magiliw;
 
aking naalala, yamang di malimot:
 
kabataan kong ginugol sa 'yong piling.
 
 
 
Sa lawak ng 'yong malayang buhanginan,
 
isang bata ang malaya ring naglaro:
 
natutong magsikap sa paghahabulan;
 
sa bagsak ng saranggola: pagkabigo.
 
 
 
Sabay sa lipad ng eroplanong papel,
 
pumailanglang din pangarap ng paslit.
 
Habang s'ya'y tingala sa langit mong kahel,
 
sa kanyang pisngi hangin mo'y umaakit.
 
 
 
Para sa kanya'y paraiso ang hawig
 
ng 'yong paligid at puti mong lupain.
 
Sa kanyang loob taimtim na nasambit:
 
'wag sanang maglaho malawak mong buhangin.
 
 
 
At ngayong ang paslit ay nasa 'yong tabi,
 
paa n'ya'y nakatapak na lang sa putik.
 
Kahit pilitin n'yang buhayin ang dati,
 
inagos mong kahapo'y di na mabalik.

No comments:

Post a Comment